Mga govt. officials at employees, pinaalalahanan na ng Ombudsman na maghain na ng kanilang SALN — Ombudsman Conchita Carpio Morales

Hanggang sa katapusan na lang ngayong buwan ng Abril maaaring makapag-file ng kanilang Statements and Assets, Liabilities and Networth ang mga government officials at employees.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, obligasyon ito ng bawat public servant alinsunod sa umiiral na batas sa bansa.

Paalala ni Morales sinuman sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na mabigong magsumite ng SALN ay maaaring masuspendi ng isa hanggang anim na buwan sa unang offense, at dismissal sa government service sa ikalawang pagkakamali.

Maging daan din ito para isailalim sa forfeiture proceedings ang mga hindi maipaliwanag na kayamanan at ari-arian ng sinumang opisyal at empleyado.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6713 mas kilala bilang Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees, ang pagsusumite ng SALNs ay dapat ginagawa sa loob ng 30 araw ng kanyang panunungkulan sa government service. Pangalawa, dapat mai-file bago ang Abril 30 ng bawat taon. At pangatlo, dapat gawin sa loob ng 30 araw pagkatapos umalis sa serbisyo. | via Rey Ferrer