Mga gobernador at alkalde, hinihikayat ng Malacañan na magpabakuna na laban sa COVID-19

Hinihikayat ng Malacañan ang mga alkalde at gobernador na magpalista na sa nagpapatuloy na COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nagsisilbi rin na instrumento sa laban kontra COVID-19 ang mayors and governors, dahilan kung bakit sila inilagay sa A1.5 priority group para sa pagbabakuna.

“Sila po ang nagpapatupad ng vaccination. Sila po talaga ang ating instrumento dito sa paglaban natin sa COVID-19. They may not be doctors but they are equally frontliners dahil lahat po ng istratehiya natin ang humaharap po ang mga lokal na opisyales,” ani Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque.

Ang mga lokal na opisyal ay dating nasa ilaim ng A4 list.

“Kasi po ang mga mayor at gobernador ang nagpapatupad po ng Prevention, Detection, Isolation, Treatment and Rehabilitation na cornerstone of our COVID program. Sila po ang nagpapatupad ng localized lockdown,” dagdag pa ni Secretary Roque.