Mga fixer sa PNP recruitment, muling binalaan ni Eleazar

Muling nagbabala si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar na sasampolan niya ang mga mahuhuling fixer sa recruitment ng PNP.

Ito’y makaraang maaresto sa isang entrapment operation kahapon ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang ambulance driver ng PNP General Hospital na naningil umano ng P100,000 mula sa isang aplikante para makapasa sa medical requirements.

Kinilala ang suspek na si Police Staff Seargent Joel Zalun Bunagan, 37 taong gulang, na residente ng North Fairview, Quezon City.

Una nang naaresto noong April 8 ng nakaraang taon si Bunagan sa pag-extort ng P100,000 hanggang P150,000 piso sa mga aplikanteng may problema sa kalusugan.

Nagpahayag naman ng pagtataka si Eleazar kung paano nakabalik sa serbisyo ang naturang pulis, kasabay ng pagtiyak na maging yung mga tumulong sa kanya para makabalik sa serbisyo ay makakasuhan.

Si Bunagan na kasalukuyang nasa kustodiya ng IMEG ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Act of 2018.