Mga estudyante na anak ng drug surrenderees, binigyan ng school supplies ng pamahalaang lokal ng QC

May 150 kabataaan na anak ng drug surrenderees sa Quezon City ang pinamahagian ng school supplies ng pamahalaang lungsod ng Quezon.

Iba pa ito sa mga mag-aaral na pumapasok sa public schools sa anim na distrito sa lungsod na una nang binigyan ng school supplies ng pamahalaang lokal.

Ayon kay QC Vice Mayor Joy Belmonte, naging benepisyaryo ngayon ng libreng gamit sa eskwelahan ay mga mag-aaral sa elementarya mula sa Brgy. Batasan, Novaliches Proper at Brgy. Payatas.

Bawat school bag na ibinibigay sa kabataan ay naglalaman ng notebooks, lapis, ballpen, eraser, pantasa, krayola at pad paper.

Sinabi pa ng bise alkalde, handa na ang lahat ng halos 700 public schools sa elementarya at high school sa lungsod para sa pagsisimula ng klase sa Lunes, Hunyo 4.

Bago ang pasukan sa Lunes tuluy-tuloy pa rin ang Brigada Eskwela sa Batasan Elementary at High school at maging sa iba pang pampublikong eskwelahan sa lungsod. | via Rey Ferrer