Employers na ‘di pa nagbibigay ng 13th-month pay sa mga empleyado bago ang Dec. 24, pinaalalahanan ng isang labor group

May karapatan ang mga manggagawa na magreklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE), National Labor Relations Commission (NLRC) at Department of Trade and Industry (DTI) kapag hindi nagbigay ng 13th-month pay bonus ang kanilang employers bago ang Disyembre 24.

Ayon kay Allan Tanjusay tagapagsalita ng Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), kasunod ito ng mga reklamo na kanilang natatanggap mula sa mga manggagawa na hindi pa nakakatanggap ng 13th-month pay.

Pinaalalahanan ng labor group na posibleng kasuhan at pagbayarin ng moral at exemplary damages ang mga employers kapag napatunayang guilty.

Sa ilalim ng Presidential Decree 851 o mas kilala sa Thirteenth-Month Pay Law, inoobliga nito ang lahat ng employers na bigyan ang kanilang employees ng isang buwang bonus katumbas ng isang buwang sahod bago ang Disyembre 24 ng kada taon o hahatiin ito kada Hunyo at Disyembre ayon sa mapagkasunduan ng mga employers at employees.

Hindi maaaring grocery items, bigas, gadget o gift cheques ang ibibigay ng employers dahil iba ang 13th-month bonus sa Christmas bonus.

Maging ang mga empleyado o manggagawa na nagtrabaho ng isang buwan kabilang ang Endo (end-of-contract), contractual at 555-months short-term workers ay saklaw ng 13th-month pay at Christmas bonus.  | ulat ni Rey Ferrer