Mga Election Watchlist Area sa Pangasinan, nakatakdang ipalabas

DAGUPAN CITY—Inaasahang maipapalabas na ang mga Election Watchlist Areas (EWAs) sa lalawigan ng Pangasinan sa susunod na araw.

Ayon kay Provincial Election Supervisor Atty. Marino Salas, nakatakda silang magsagawa ng command conference sa araw ng Sabado kasama ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at iba pang stakeholders.

Layunin nito na matukoy ang mga lugar sa Pangasinan na isasailalim sa election watchlist areas, para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Mayo 14.

Sinabi nito na noong unang magsagawa sila ng command conference kasama ang PNP at iba pang stakeholders ay wala pang naitalang EWAs sa lalawigan.

Naniniwala naman ito na mayroong mga barangay ang mapapasama sa listahan ng EWAs, dahil nag-iiba ang kalakaran pagkatapos ang paghahain ng kandidatura.

Nilinaw naman nito na hindi nangangahulugan na kapag isinailalim sa EWAs ang isang barangay ay isasailalim na rin ang buong lungsod o bayan na kinabibilangan nito sa mga lugar na mahigpit na babantayan ng kapulisan sa buong panahon ng eleksyon. | via DZMQ-Radyo Pilipinas Dagupan