Mga droga na nakukumpiska, tiniyak ng PNP na hindi mari-recycle

Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na hindi mari-recycle ang mga droga na nakukumpiska ng PNP.

Ang pagtiyak ay binigay ng PNP chief matapos ipresenta sa midya sa Camp Crame kahapon ang nakumpiskang pitong kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P47.6 milyong piso sa isang buy-bust operation sa Maynila kahapon ng madaling araw.

Ang droga ay nakumpiska ng mga joint elements ng Regional Drug Enforcement Unit ng National Capital Regional Police Office, Manila Police District, at PDEA-NCR mula sa arestadong suspek na kinilalang si Joshir Bernardo y Dela Cruz “alyas JS”.

Ayon sa PNP chief, diretsong inilalagay sa evidence room ng PNP Crime Laboratory ang mga nasasamsam na droga at inilalabas lamang ito kapag iniuutos ng Korte na gamitin na ebidensya laban sa akusado.Banggit pa ni Albayalde na mananagot ang mga opisyal ng PNP Crime Laboratory sakaling mapatunayang may nari-recycle na droga mula sa kanilang pag-iingat.

Mula nang simulan ng PNP ang kanilang kampanya kontra droga, mahigit P20 bilyong pisong iligal na droga ang nakumpiska ng pamahalaan batay sa statistika ng Real Numbers Forum noong Mayo.  | ulat ni Leo Sarne