Mga driver ng pampublikong transportasyon, dapat na ring bakunahan

Pinasasabayan ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co ng malawakang pagbabakuna at disinfection ang pagluwag sa community lockdown upang hindi na muli magkaroon ng surge ng sakit.

Aniya, dapat ngayong buwan hanggang sa Hunyo ay mabakunahan na ang lahat ng driver ng pampublikong transportasyon sa NCR+ bubble.

Bukod sa mga tsuper, dapat ay mabakunahan na rin agad ang personnel ng Metro Rail Transit System (MRT) at Light Rail Transit (LRT) gayundin ang mga tauhan sa iba’t ibang bus terminals at seaports.

Mahigpit at palagiang disinfection din aniya ang dapat ipatupad sa lahat ng city at provincial buses.

Dapat naman aniyang mag-voluntary lockdown ng isa hanggang dalawang araw ang mga workplace na mayroong empleyado na nag-positibo sa COVID-19 para sa disinfection at decontamination.

Ang opisina na hindi makikipag-tulungan ay maaaring utusan ng local mayor at Department of Labor & Employment (DOLE) na mag-force lockdown.

Patuloy din aniya dapat ang pamamahagi ng libreng hygiene at medicine package para sa mga residente na may mild symptoms at naka-home quarantine.

Hiniling din ng kinatawan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na dagdagan ang deployment ng ambulansya a mga bayan nang hindi na mangangailangan pa ng request mula sa kanilang mga mayor.