Mga displaced families ng landslide sa Naga City, Cebu, pinalilipat na sa relocation sites ng NHA — DSWD

Inalok na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang may 444 pamilya na na-displaced ng landslide sa Naga City, Cebu na lumipat na sa relocation sites ng National Housing Authority (NHA).

Tinukoy na ng NHA ang dalawang housing projects na maaari na nilang matirhan sa Balili property sa Naga City at sa Brgy. Valencia sa Carcar City.

Ito’y kasunod ng pahayag ng Mines and Geosciences Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi na maaaring balikan ang lugar ng landslide dahil ideneklara na itong danger zones.

Gayunman, patuloy pa rin silang binibigyan ng ayuda.  Sa katunayan base sa pinakahuling datos ng DSWD nasa P5.2 million ang halaga ng tulong ng naibigay sa kanila.

Bukod pa dito ang ibinigay ng city government na P150,000 financial assistance sa bawat pamilya na nakatira sa lugar.

Samantala, makakaasa din na mabibigyan ng tulong pinansiyal na tig-P5,000 ang mga apektadong pamilya na naapektuhan din ng landslide sa Natolin, Mt. Province.

Karagdagan lang ito sa naunang alok na burial assistance sa mga landslide casualties.  | ulat ni Rey Ferrer