Mga Davawenyo, inihahanda sa pagtanggal ng Martial Law sa Davao City

Inihahanda ng Task Force Davao ang Dabawenyo, sa posibleng pagtanggal ng Martial Law sa siyudad, kasunod ng kahilingan ni Davao City Mayor Sara Duterte na huwag nang isama ang lungsod sa ipinatutupad na batas militar.

Hinimok ni Col. Consolito Yecla ang mga Dabawenyo at mga bumibisita sa lungsod na gawing lifestyle ang culture of security, upang mapigilan ang anumang banta ng terorismo sa siyudad.

Kanyang binigyan diin ang hamon sa terorismo ay hindi ang pagbaril sa terorista kundi ang pagtukoy at pagmonitor sa kanila.

Giit ni Yecla, sa pagmonitor ng terorista mas gusto nila na ang lahat ng Dabawenyo ang gagalaw at magiging mata at tainga ng awtoridad, kaysa gawing dahilan ang takot sa Martial Law o epekto nito sa pagsunod sa batas.

Halimbawa aniya, sa pagpapa-inspeksyon ng bag sa mga check points, gawin na itong ugali upang manatiling tahimik ang lungsod, at hindi dahil sa takot sa Martial Law.