Mga dating rebelde, iminungkahing isama sa 4Ps

Iminungkahi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Rene Glen Paje sa Task Force Balik-loob, na palawakin ang mga benepisyo sa mga dating rebelde upang makahikayat pa ng mas maraming miyembro ng kilusang komunista, na magbakik loob sa pamahalaan.

Sa programa ng Task Force Balik-Loob, “Balik-Loob sa Pagbabago” sa DWDD (1134kHz) AFP Radio at KTVQ2 Cable Channel 107, sinabi ni Paje, na nakikipag-usap ang DSWD sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Ito ay para sa posibleng pagsama sa mga dating rebelde sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’S), kung saan makakatanggap sila ng buwanang sustento mula sa pamahalaan katulad ng “poorest of the poor” na benipisyaryo ng naturang programa.

Pinag-aaralan din aniya ang pagbibigay ng “Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS),” na bukod pa sa mga benepisyo na ipinagkakaloob sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Kabilang sa mga benepisyo ng E-CLIP ang financial assistance, housing, education, skills training, healthcare, at legal assistance.

Ayon kay Paje, kung makita ng mga rebelde ang “success stories” ng kanilang mga kasamahang nagbalik-loob, mas marami pa aniya ang maeengganyong magbaba na ng armas at mamuhay ng matahimik.