Condo owners, administrators, inabisuhan na mahigpit na ipatupad ang ECQ

Inabisuhan ng Joint Task Force COVID Shield ang lahat ng may-ari at administrador ng mga condominum buildings na mahigpit na ipatupad ang mga panuntunan ng Enhanced Community Quarantine o ECQ.

Ito’y kasunod ng nangyaring pagbarikada umano ng mga pulis sa isang condo building sa Bonifacio Global City sa Taguig bitbit ang kanilang mga armas na nagdulot umano ng takot at pangamba sa mga residente ng condo.

Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations at Joint Task Forde COVID Shield Commander Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, nagpaliwanag na ang hepe ng lokal na Pulisya sa lugar at idinahilan nito ang kautusan ng Lokal na Pamahalaan na nagbabawal sa paggamit ng mga commmon areas sa mga condo tulad ng swimming pool dahil paglabag ito sa physical distancing.

Kaya naman pinuntahan ng Lokal na Pulisya ang nasabing condo building para kausapin ang mga tagapamahala ng gusali at pagsabihan ang mga residente na bumalik sa kani-kanilang tahanan.

Gayunman, bilang bahagi ng kanilang Standard Operating Procedures (SOP), sinabi ni Eleazar na iniimbestigahan na nila kung may naging paglabag ba sa panig ng mga pulis at residente na siyang pinag-ugatan ng komosyon kahapon.

Binigyang-diin ni Eleazar na pantay-pantay ang kanilang pagpapatupad ng ECQ at walang diperensya kung sa condo nakatira o sa depressed area sa “restriction” na manatili lang sa loob ng bahay para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.