Mga condo at village, sakop pa rin sa hurisdiksyon ng barangay at pulis sa oras na lumabag ang mga ito sa mga public health protocol

Maaaring isumbong sa barangay ang mga admin o property managers ng mga condominium o village na mabibigong ipatupad ang minimum public health protocols sa kanilang mga pasilidad.

Ito ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque ay kahit pa maituturing na private property ang mga gusali ng mga ito.

Ayon sa kalihim, lahat ng mga condominium, kahit na pribado, ay kabahagi pa rin ng isang barangay.

Ang mga brgy. officials at mga pulis pa rin aniya ang maaaring magpatupad sa mga ito.

Ayon kay Secretary Roque, ang mga property managers na hindi susunod ay maaaring maireklamo dahil maituturing aniya itong disobedience to agents of authorities.

“Pu-pwedeng mareklamo din po iyong mga property managers na hindi sumusunod dahil iyan po ay disobedience to agents of authorities kapag binigyan na po sila ng ultimatum na ipatupad ang mga minimum health protocols.”  ani Secretary Roque.