Mga comemorative plates, kasama na rin sa sisitahin ng HPG

Bukod sa mga kotseng naka “8” na plaka, sisitahin na rin ng Philippine National Police (PNP) Highway Patrol Group (HPG) ang mga sasakyang naka-commemorative plates.

Ito ang inihayag ni HPG Director CSupt. Roberto Fajardo, kasabay ng pag-anunsyo kahapon na mahigpit na ipatutupad ng HPG ang kautusan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na ibalik sa Kongreso ang lahat ng inisyu na “8” na plaka.

Ito’y matapos ang road rage incident sa Pampanga, kung saan nambugbog ng motorista ang isang Jojo Valerio na nagpanggap na ka-anak umano ng isang mambabatas gamit ang isang SUV na may plakang otso.

Paliwanag ni Fajardo ang mga “8” na plaka at commemorative plates ay hindi “forever” at napapaso din.

Batay sa impormasyon buhat sa Land Transportation Office (LTO), taong 2015 pa nang huling nagpalabas ng authority ang ahensya para sa commemorative plates.

Kaya makabubuti para sa lahat ng mga may hawak nito na tanggalin na ito sa kanilang sasakyan para maiwasan ang mas malaking abala.

Paalala ni Fajardo, bukod sa pagkumpiska sa mga “8” na plaka at expired commemorative plates, pagmumultahin din ng P5,000 ang mga drayber ng sasakyang gumagamit nito. | ulat ni Leo Sarne