Mga civilian informants na nakatulong sa kampanya kontra iligal na droga ng PDEA, binigyan ng cash rewards

Higit sa P7.5 milyong piso cash rewards ang ipinagkaloob na ng Philippine Drug Enforcement Agency sa anim na civilian informants na nagbigay ng impormasyon para sa matagumpay na operasyon nito.

Sa isang seremonya sa PDEA Headquarters, personal na iniabot ni PDEA Director General ang cash rewards sa bawat sibilyan na ang pinakamalaking reward na abot sa P2 milyong piso ay ibinigay sa isang alyas Krugger.

Ito ang nag-nguso, para maaresto ang dalawang drug personalities sa A. Bonifacio St., San Juan City noong Disyembre 23, 2016 kung saan nakumpiska ang may 162.55 kilograms ng shabu.

Ang monetary rewards na ibinigay ng PDEA ay aprubado ng Operation Private Eye Rewards Committee na binubuo ng mga miyembro mula sa academe, NGOs, law enforcements, religious and business sectors.

Ang iba pang accomplishments ng civilian informants ay ang pagkaaresto sa dalawa pang drug personalities sa Celadon Felix Huertas sa Maynila na nakuhanan ng 76.695 na gramo ng shabu, at pagkaaresto sa apat na personalidad sa buy bust operation sa El Dia beach resort sa Claveria Cagayan noong June 2016.

Kabilang din dito ang entrapment operatiom sa isang drug personality sa Imus, Cavite noong May 20, 2016, pagsalakay sa isang shabu laboratory at pagkaaresto sa anim katao sa Eugenia Tower, Tivoli Garden Residences sa Barangay Hulo, Mandaluyong noong Nobyembre 1, 2017 at iba pa.

Kaugnay nito, binigyan din ng monetary rewards na higit sa P6 na milyong piso ang limang PDEA operating units na nagpakita ng magandang performance sa kanilang paglaban kontra iligal na droga. | via Rey Ferrer