Mga business establishment sa QC, pinayuhang mag-display ng COVID-19 safety seal

Inatasan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga negosyante o businesss establishment sa lungsod na istriktong sumunod sa kanilang COVID-19 Safety Seal certification program.

Sa nilagdaang Executive Order (EO) no. 13 s. 2021, ni Belmonte, inaaatasan niya ang lahat ng establisyimento na mag-apply ng ‘Safety Seal’ bilang katunayan na sila ay sumusunod sa ipinatutupad na ‘minimum public health protocols’ gaya ng paggamit ng ‘accredited contact tracing app KyusiPass.’

Una nang inilunsad ni Belmonte kasama sina Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Ramon Lopez, Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya, at DTI Usec. Ireneo Vizmonte, ang QC Safety Seal Certification sa SM City North EDSA.

Ang mga negosyong sakop ng EO ay ang mga malls, wet markets, retail stores, restaurants, fast food, coffee shops, eateries; banks, pawnshops, money changers, remittance centers, car washes, at laundry service centers.

Kabilang din ang art galleries, libraries, museums, zoos, sports centers, gyms, spas, tutorial, testing, review centers, cinemas at arcades.

Ayon sa alkalde, maaaring mag-apply ang mga negosyo sa pamamagitan ng Quezon City’s no-contact online procedure, o ang inspection team ang magpapatunay kung karapat-dapat na isyuhan ng Safety Seal ang isang establisyimento.

Ang QC Inspection and Certification Team ay binubuo ng mga awtorisadong kinatawan mula sa Business Permits and Licensing Department (BPLD), City Health Department (CHD), Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO), QC Police District (QCPD), Public Employment Service Office (PESO), Public Affairs and Information Services Department (PAISD), at City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU).