Mga “bullies” sa eskwelahan, pwedeng isumbong sa police assistance desks — Albayalde

Pwedeng isumbong ang mga estudyante na nambu-bully ng kapwa estudyante sa mga police assistance desk sa mga paaralan.
 
Ito ang inihayag ni Philippine National Police Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa isang press conference sa Camp Crame ngayong umaga kaugnay ng napipintong pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.
 
Tiniyak ng PNP chief na ang mga pulis na magmamando sa mga police assistance desks sa mga paaralan ay para asistihan ang mga mag-aaral, guro at magulang sa anumang police matter, kasama na ang “bullying”.
 
Sinabi ni Albayalde na may minimum na dalawang pulis na magmamando ng mga police assistance desk na itatayo sa mga paaralan para sa pagbubukas ng klase.
 
Sisimulan aniyang i-deploy ang mga pulis na ito dalawa o tatlong araw bago magsimula ang pasukan.
 
Tiniyak ni Albayalde na mananatili ang mga police assistance desk sa mga eskwelahan hanggang sa wala nang makitang problema ang PNP.
 
Sa ngayon nanatili sa normal ang alerto ng PNP habang ipinauubaya ni Albayalde sa mga PNP commander ang pagtataas ng kanilang alerto sa kanilang nasasakupang lugar. | via Leo Sarne