Mga benepisyaryong nagpabaya, maaari nang magbayad ng utang – National Housing Authority

Hinimok ng National Housing Authority (NHA) ang mga benepisyaryong nagpabaya na makabayad, na mag-apply na sa condonation program para mabayaran ang kanilang pagkakautang sa pabahay ng walang interes.

Ayon kay NHA Financial Management Department Manager Wilma Hernandez, kung ang isang benepisyaryo ay hindi na nakakabayad ng buwanang hulog simula ng tumira ito, 75 porsiyento sa utang ay hindi na pababayaran, at 25 porsiyento na lamang ang kailangan nilang hulugan kasama ang monthly amortization.

Aabot sa P1.6 bilyon ang kabuuang singilin ng NHA na kanila nang isusuko.

Bukod pa dito, mula sa dating anim na porsiyentong interes sa hindi nakakabayad, gagawin na lamang itong tatlong porsiyento.

Sa kabuuang 1.6 milyon mga benepisyaryo ng pabahay ng NHA, limang porsiyento lamang nito ang nakakabayad ng tama, kaya aminado ang ahensya na pagdating sa pabahay lugi ang pamahalaan.

Samantala, aabot naman sa 390 miyembro ng Kadamay ang kwalipikado ng benepisyaryo ng NHA.

Binanggit pa ni Hernandez, tatagal ang condonation program hanggang Pebrero 21 2020. | ulat ni Rey Ferrer