Mga bawal na paputok, tinukoy ng DILG

Inilabas na ngayon sa publiko ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga paputok na kanilang ipagbabawal at maaaring gamitin sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Base sa listahan ng DILG, ang mga paputok na bawal gamitin ay ang Watusi, Picolo, Super lolo,  Atomic Triangle, Large Judas Belt, Large Bawang, Pillbox, Boga,  Goodbye Philippines, Bin Laden, Mother Rocket, Lolo Thunder, Coke-in-can, Atomic Bomb, Five Star, Pla-pla, Giant Whistle Bomb at Kabasi.

Samantalang hindi naman ipagbabawal ang mga paputok na Baby Rocket, Bawang, El Diablo, Judas Belt,  Paper Caps, Pulling of Stringers at Small Triangulo, subalit ito ay dapat gamitin sa inilaang ‘firecracker zones’ sa kanilang lugar.

Ang Butterfly, Fountain, Jumbo, regular at special Luces, Mabuhay,  Roman Candles, Sparklers, Trompillo at Whistle Device ay pwede namang gamitin at sindihan kahit wala sa firecracker zones, gayunman kailangan umano ang pag-iingat upang maiwasan ang sunog.

Magpapakalat ng law enforcers ang pamunuan ng DILG, at ang  mga mahuhuling gumagamit ng ipinagbabawal na paputok ay pagmumultahin ng P30,000 at papatawan ng pagkabilanggo ng mula  anim na buwan hanggang isang taon.

Pinayuhan din ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag hayaan na magpaputok at mamulot ng mga paputok upang maiwasan ang anumang aksidente, at kung maaari ay huwag na lamang bumili ng mga paputok at sa halip ay gumamit na lamang ng maiingay na bagay gaya ng torotot o mga takip ng kaldero para salubungin ang Bagong Taon. | ulat ni Ched Oliva