Mga barko ng Philippine Navy, hindi na pakakapitan ng talaba

Lipas na ang mga araw na nakadaong lang sa pier ang mga barko ng Philippine Navy na mistulang pinakakapitan lang ng talaba.

Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in command Rear Admiral Robert Empedrad, ayaw niyang nakatali lang sa pier ang kanilang mga barko at sa halip ay dapat mas madalas na nagpapatrolya.

Ito ang reaksiyon ni Empedrad sa mga puna na nasasakripisyo ang kondisyon ng mga bagong barko ng Philippine Navy sa napapadalas na pagbiyahe ng mga ito sa iba’t-ibang mga bansa, para sa mga samu’t-saring international engagements.

Nito kasing nakalipas na linggo ay nag-bogged down ang isa sa mga makina ng bagong barkong BRP Tarlac habang patungo ito sa Vladivostok, Russia, pero naayos din agad matapos tumulong ang Russia na makakuha ng spare parts mula sa South Korea.

Ayon kay Empedrad, kahit na palagiang bumibiyahe ang kanilang mga barko, basta’t maayos ang maintainance ay tatagal ang mga ito ng mahabang panahon.

Giit ni Empedrad, mandato ng Philippine Navy ay protektahan ang karagatang sakop ng bansa kaya kinakailangan laging bumabiyahe ang kanilang mga barko para sa pagpapatrol at pagsasanay.

Sa ngayon, ayon pa kay Empedrad mayroong pitong barko ang Philippine Navy na may kakayahang bumiyahe patungong China, Russia, Hawaii kapag naimbitahan. | ulat ni Leo Sarne