Mga barangay officials na nasa ‘narco list’ ng PDEA, welcome na sumuko sa PNP — Albayalde

Welcome na sumuko sa Philippine National Police ang mga barangay officials na nasa ‘narco list’ ng PDEA.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde kasabay ng pagsabi na kung hindi boluntaryong haharap sa PNP ang mga ito para linisin ang kanilang pangalan, ay maari silang isailalim sa Oplan Tokhang.

Ayon kay Albayade, kung ano ang Oplan Tokhang na ginagawa sa mga ordinaryong mamayan, ay siya ring gagawin sa mga barangay officials.

Aniya, ang mga barangay officials na suspected users ay papakiusapan na sumailalim sa rehabilitasyon.

Ang mga barangay officials naman na pinaghihinalaang protektor ng sindikato ng droga, ay isasailalim sa case build up at sasampahan ng kaso kung may makuhang ebidensya.

Iyun namang mga direktang involved sa kalakalan ng iligal na droga ay maaring targetin ng anti-drug operation ng PNP.

Ayon sa PNP chief, hinihintay na lang nila ang validated ‘narco list’ ng PDEA para gawan ng kaukulang aksyon. | via Leo Sarne