Barangay officials na nakatapos na ng kanilang termino, hinikayat na mag-apply ng Barangay Official Eligibility – CSC

Pinayuhan ng Civil Service Commission ang barangay officials na nakapagtapos na ng kanilang termino bago at pagkatapos ng Agosto 1, 2012 na mag-apply ng Barangay Official Eligibility (BOE).

Ito ay kung may plano pa silang pumasok muli sa government service.

Ayon sa CSC, ang Barangay Official Eligibility ay ibinibigay sa mga elective barangay official tulad ng punong barangay, mga regular na Sangguniang barangay members at Sangguniang Kabataan chairpersons.

Gayundin sa mga appointive barangay official tulad ng barangay treasurers at barangay secretaries na itinalaga ng elected punong barangay.

Ang eligibility ay maaaring magamit para sa appointment tungo sa first level positions sa career service maliban sa mga position na saklaw ng board laws o para din sa iba pang pangangailangan.

Ang BOE applications ay maaaring isumite sa CSC Regional Office o field office na may jurisdiction sa barangay kung saan ang applicant ay nanungkulan. | ulat ni Rey Ferrer