Mga banyagang contractor, dapat payagan nang makasali sa bidding para sa ‘Build, Build, Build’ projects – Sen. Gatchalian

Nais ni Sen. Win Gatchalian na ma-amiyendahan ang isang 78 taong gulang na batas na nagbabawal sa mga banyagang contractor na makilahok sa bidding sa locally funded public works projects.

Ang panukala ni Gatchalian ay nakapaloob sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1907 na naglalayong maging parehas para sa lahat ng mga kwalipikadong lokal at banyagang contractors sa paglahok sa isasagawang pa-bidding ng gobyerno para sa public works projects.

Punto ni Gatchalian, layon ng hakbangin na mai-posisyon ang Pilipinas para mas maging competitive at higit na makaakit ng mga bagong investment sa industriya ng konstruksyon.

Ang Senate Bill No. 1907 ay ang susog sa Commonwealth Act No. 541, ang batas na nagri-regulate ng pagkakaloob ng mga kontrata para sa konstruksyon o repair ng mga proyekto ng pamahalaan.

Sa kasalukuyang umiiral na batas, ang mga kumpanya na 75 percent o pataas na pag-aari ng mga Pilipino lamang ang papayagang sumali sa bidding sa locally funded public works projects.

Ayon kay Gatchalian, ang amiyenda ay napapanahon dahil ang gobyerno ay kasalukuyang agresibo sa infrastructure development sa pamamagitan ng ‘Build, Build, Build’ program.  | ulat ni Jojo Ismael