Mga balikbayang OFWs, kailangan nang sumailalim sa medical test sa NAIA

Inanunsyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na obligado nang sumailalim sa medical test ang mga balikbayang OFWs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay OWWA Director Regina Galias, kukunin ang blood samples ng repatriated overseas Filipino workers bilang bahagi ng pagsusuri para sa coronavirus disease (COVID-19).

Kailangan din nilang magbigay ng contact details para madaling matawagan sakaling magpositibo sa COVID-19.

Inaasahan aniyang lalabas ang resulta ng tests sa loob ng dalawa hanggang limang araw.

Humingi naman ng paumanhin si Galias sa abalang idudulot ng testing sa OFWs.

Ang pangongolekta ng blood samples na bahagi ng rapid testing ay pangungunahan ng Philippine Coast Guard medical team.

Mula sa NAIA, dadalhin sa assigned hotel accommodation ang mga balikbayan para sa 14 na araw na mandatory quarantine na sasagutin ng gobyerno.