Mga bagong kagamitan ng Philippine Navy, tuloy-tuloy ang pagdating 

Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga bagong kagamitan ng Philippine Navy.

Ayon kay Philippine Navy Flag-Officer-in-Command Vice-Admiral Robert Empedrad apat na Amphibious Assault Vehicles o AAVs kasama ang tatlong Multi-purpose attack Craft o MPACs ang kanilang iko-komisyon sa darating na September 16, 2019.

Ito ang pangatlong batch ng mga bagong AAVs na iko-komisyon kung saan aabot sa P2.42-billion ang halaga ng kontrata.

Ang mga AAVs ay armado ng 50-caliber machine guns, 40mm grenade launchers at smoke launchers.

Habang ang tatlong MPACs, na may bilis na 45-knots, ay armado ng remotely controlled .50-caliber machine guns bukod sa Spike-ER missiles.

Sinabi pa ni Empedrad na inaprubahan na rin ng Pangulong Duterte ang pagbili ng walong Fast attack Interdicter Craft-Missile (FAIC-M), kung saan apat ang gagawin sa Pilipinas at apat ang manggagaling sa abroad.

Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Empedrad na kakayanin ng Philippine Navy na ipagtanggol ang West Philippine Sea kung kakailanganin sa pamamagitan ng “swarming strategy” gamit ang mga maliliit na mabibilis na barko na may missiles.