Mga bagong biling gamit ng PNP, iprinisinta ng PNP chief

Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang presentasyon ng mga bagong biling gamit ng PNP sa National Capital Region Police Office (NCRPO) headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig ngayong umaga.

Ang mahigit isang bilyong pisong halaga ng kagamitan ay kinabibilangan ng 387 units ng patrol jeep, 235 units ng leisure travel vans, 41 units ng van, at 138 units na rubber boat.

Kasama din dito ang mga bagong armas na kinabibilangan ng 313 units ng basic assault rifle, 320 units ng 5.56mm light machine gun, 231 units ng 7.62mm light machine gun at 3,666 units ng 5.56mm NATO magazine

Mayroon ding binili ang PNP na 160 units ng base radio, 6,440 units ng undershirt vest, at 48 units ng explosive detection dog.

Ayon sa PNP chief, ang pagbili ng PNP ng mga dagdag kagamitan ay bahagi ng kanilang Capability Enhancement and Modernization Program.

Ipinagmalaki ni Albayalde na natamo ng PNP ang 98.81 absorptive capacity sa kanilang procurement na ang ibig sabihin ay nagastos nila ang lahat ng kanilang inilaang budget para sa mga bagong gamit. | ulat ni Leo Sarne