Mga bagong armas at kagamitan para sa Marawi Police, nakahanda na — PNP Chief

Nakahanda na ang mga bagong armas at kagamitan para ipadala sa Marawi-Philippine National Police.
 
Ito ang inihayag ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde kasabay ng paggunita ng unang anibersaryo ng pagsisimula ng Marawi siege sa araw na ito.
 
Ayon sa PNP chief, ang mga modernong armas at kagamitan ay bilang pamalit sa mga nawala at nasirang kagamitan ng Marawi-PNP sa pakikipagbakbakan sa Maute-ISIS terrorists na sumakop sa lungsod.
 
Magugunitang ni-ransack ng mga Maute-ISIS terrorist ang Marawi-Police Headquarters sa mga unang araw ng limang buwang giyera sa Marawi.
 
Sinabi ni Police Director Jose Victor Ramos ng Directorate for Logistics, mahigit na 300 mga Galil submachine guns, limang truck, apat na Innova at tatlong patrol cars ang nakatakdang i-deliver sa Marawi sa susunod na buwan. | via Leo Sarne