Mga atletang Pinoy na sasabak sa Summer Olympics at SEA games, dapat isama sa priority list ng COVID-19 vaccination program

Umapela si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Inter-Agency Task Force (IATF) na isama rin sa priority list ng mga dapat bakunahan kontra COVID-19 ang mga atletang Pinoy na sasabak sa Summer Tokyo Olympics ngayong Hulyo at sa Southeast Asian Games sa Nobyembre ng taong ito.

Paliwanag ni Go, mahalagang protektado ang ating mga atleta dahil sila ang kakatawan sa Pilipinas sa mga international competition.

Hindi din aniya maiiwasan ang physical contact sa sports events kaya naman mahalaga na matiyak ang kapakanan at kaligtasan ng mga manlalaro ng bansa.

Kasabay nito, nanawagan rin ang senador sa Philippine Sports Commission at sa Philippine Olympic Committee na isapinal na ang masterlist ng mga atleta at delegasyon na sasabak sa Olympics at sa SEA games.

Ito aniya ay upang maisumite na ang mga pangalan sa IATF at sa Department of Health (DOH) para maging maayos ang pagbabakuna sa kanila.