Mga armas na narekober sa tahanan ng negosyanteng nambugbog sa MMDA traffic enforcer, lahat illegal – PNP-FEO

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP)-Firearms and Explosives Office Director CSupt. Valeriano de Leon na iligal ang lahat ng armas na narekober sa bahay ng negosyanteng si Arnold Padilla sa Magallanes, Makati.

Si Padilla ang nakita sa isang viral video na nambugbog sa Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcer matapos mahuling ‘beating ng red light’ ang kanyang sasakyan kamakailan.

Ayon kay Valeriano, iligal ang mga baril na narekober sa tahanan ni Padilla batay sa desisyon ng firearms and explosive office o FEO License Revocation and Restoration Board nitong Abril 24 ng taong kasalukuyan, na pinagbabawalan na si Padilla na magkaroon o humawak ng ano mang mga baril.

Ito’y matapos na mapatunayang lumabag si Padilla sa alituntunin ng firearms and explosive unit nang magsumite ito ng mga pekeng dokumento sa drug test.

Dahil dito, Mayo 1 personal na isinuko ni Padilla sa Firearms and Explosive Office (FEO) ang mga hawak nito na mga baril na kinabibilangan ng isang 5.7 pistol, 9mm, .45, 380 at isang 12 gauge shotgun.

Pero nang mahain ng search warrant ang NCRPO kaninang umaga, nakuha sa loob ng bahay ni Padilla ang isang shotgun, isang .45 at dalawang granada.

Dagdag ni Valeriano, walang sinumang sibilyan ang pinahihintulutang mag-ingat ng mga granda. Tanging mga miyembro ng AFP at PNP lamang ang may pahintulot.  | ulat ni Leo Sarne