Mga argumentong iprinisinta ng oposisyon sa Korte Suprema para ibasura ang ikatlong Martial Law extension, luma na —Palasyo

Walang bagong argumentong nakikita ang Palasyo ng Malacañang sa petisyong inihain ni Representative Edcel Lagman sa Korte Suprema, na kumukuwestiyon sa ikatlong pagkakataong maipatupad ang Martial Law sa Mindanao.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, halos walang pinagkaiba ang mga ground na iprinisinta ngayon ng oposisyon sa inilahad nitong mga ground noong kanilang kinuwestiyon din sa korte ang pagpapatupad sa ikalawang ekstensiyon ng batas militar sa Mindanao.

Kung ang ipinupunto naman ni Lagman ay ang kawalan ng mga naaarestong rebelde sa Mindanao kaya’t dapat lang na hindi na ipatupad ang Martial sa Law, mas lalo nga na kailangan manatili ang batas militar sa rehiyon ayon kay Panelo.

Common sense ayon kay Panelo, na ang ibig lang sabihin nito ay nananatili pa rin ang rebelyon sa lugar at mas lalong kailangan talagang panatilihin ang Martial Law.

Sa harap nito’y inihayag ni Panelo, na mataas ang kanilang kumpiyansa na hindi papaboran ng Korte Suprema ang petisyong inihain para sa pagbabasura ng Martial Law. | ulat ni Alvin Baltazar