Mga araw ng pagdinig ng Kamara sa pambansang budget, maaaring palawigin

Posibleng gawin sa labas ng Kamara ang pagdinig sa proposed P4.1 trillion 2020 national budget.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, malaki ang posibilidad na i-extend ang mga pagdinig sa Huwebes at Biyernes para mapabilis ang deliberasyon sa pambansang budget.

Plano ding gawing sabay-sabay ang budget hearings, upang umabot sa target deadline na October 5.

Isa sa ikinokonsidera ng Taguig representative ay ang tadtad na public holidays, partikular ngayong Agosto, kaya aayusin na ang scheduling ng sabay-sabay na hearings sa lalong madaling panahon.

Tinitingnan din ang pagsasagawa ng mga budget hearing sa labas ng Batasang Pambansa, gaya sa mga lungsod ng Taguig, Mandaluyong at Pasay, kung saan naroon ang mga concerned government agency na nakatakdang sumalang sa pagdinig.

Tiniyak naman ni Cayetano, na kung sa labas gagawin ang deliberasyon sa budget ay hindi naman ito mahal at hindi rin magagastusan ang mababang kapulungan.

Pinaiiwas naman ng speaker ang mga kongresista sa pagdalo ng lima hanggang sa walong committee hearings, sa halip ay tumutok ang mga ito sa kanilang expertise, na tatlo hanggang dalawa lamang na pagdinig.