Mga Aetas sa Boracay, dapat mabigyan din ng benepisyo kapag nagbukas na ang isla sa Oktubre – Secretary Piñol

Hinimok na ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga katutubong Aetas na gawing agri-tourism site ang kanilang 2.1 hectare ancestral domain sa Barangay Manoc-manoc,  Malay, Aklan

Nais ni Piñol na maiangat ang kabuhayan ng mga katutubo sa Boracay at mabigyan sila ng access sa government interventions.

Nangako si Piñol na maglalaan ng P2 million financial support sa indigenous people at women’s groups sa Boracay sa ilalim ng Survival Recovery credit program ng Department of Agriculture sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council.

Sa ilalalim ng credit facility, halos 80 pamilya ang makakatanggap ng tig-P25,000 na gagamitin sa pagpapaunlad ng mga proyektong pangkabuhayan sa komunidad.

Bukod pa rito ang alok na P5,000 hanggang P50,000 na pautang na may anim na porsiyentong interest rate lamang kada taon sa ilalim ng Production Loan Easy Access program.

Pinayuhan din ang mga katutubo na pasukin ang organic vegetable garden na may kaakibat na tulong mula sa Agricultural Training Institute at ang iba pa na pagkakakitaan. | ulat ni Rey Ferrer