Mga accomplishment na nagawa ng administrasyon, hindi kasya sa 35-minute SONA speech ng Pangulo – Palasyo

Hindi kakayanin na maipresentang lahat ng administrasyong Duterte ang lahat ng nagawa nito sa loob lamang ng 35 minuto.

Ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, ito ang dahilan kung bakit napagpasiyahan nilang magsagawa ng pre-SONA forums ilang linggo bago ang SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Sa pamamagitan ng inilunsad na pre-SONA forums may mga titulong Tatak ng Pagbabago, Tatak ng Pag-unlad, Tatak ng Malasakit at Tatak ng Katatagan ay inilahad ng mga Cabinet secretaries ang magagandang nagawa ng administrasyon sa iba’t ibang aspeto.

Una nang nagbigay ng garantiya ang Pangulong Duterte na gagawin niyang tumagal lamang ng 35 minuto ang haba ng kaniyang SONA speech.

Gayunpaman, sinabi ni Secretary Andanar na ugali ng Pangulo na mag-adlib o magsingit ng mga naiisip nitong pahayag na sa tingin nito ay mahalagang malaman ng publiko.  | ulat ni Alvin Baltazar