Mga abandonadong baril, kinumpiska ng PNP Firearms and Explosives Office sa QC

May 89 na piraso ng iba’t ibang klaseng armas ang kinumpiska ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) mula sa dalawang nagsarang security agency sa Cubao, Quezon City kahapon ng umaga.

Ayon kay PNP-FEO Inspection and Enforcement Section Chief PCInsp. Rafael Nadela, taong 2012 pa nagsara ang dalawang security agency at inabandona ang mga naturang baril sa kanilang dating opisina sa Corporate Sentey Bldg., Aurora Boulevard, Cubao, Quezon City.

Dagdag ni CInsp. Nadela, paso narin ang mga lisensya ng naturang mga baril na kinabibilangan ng 44 na shotgun, 36 caliber .38 revolver at 9 na 9mm pistol.

Katuwiran ng caretaker ng naturang mga armas na si Christopher Bautista, hindi nila alam kung ano ang gagawin sa mga baril matapos na atakihin at maparalisa ang may-ari sa bansang France.

Ayon sa caretaker, nang makontak nila ang pamilya ng may-ari ang utos sa kanila ay isuko sa Camp Crame ang mga armas.

Sinabi naman ni CInsp. Nadela, na maaari paring managot ang may-ari sa paglabag sa RA 10591, dahil sa pag-iingat ng mga hindi lisensyadong armas mula taong 2012. | ulat ni Leo Sarne

Photos courtesy of PNP-FEO