Mga 800 na residente ng Taal, Batangas, nakatakdang bakunahan

Nakatakdang bakunahan sa susunod na linggo laban sa COVID-19 ang mga residente sa bayan ng Taal, Batangas na kabilang sa A3 priority group o persons with comorbidity.

Ayon kay Taal Mayor Pong Mercado, walongdaang indibidwal ang nakarehistro bilang miyembro ng A3 na agad babakunahan kapag dumating na ang karagdagang suplay.

Sa ngayon ay ibinibigay muna sa A3 ang slot ng senior citizens na hindi dumating sa venue para hindi masayang ang bakuna at mapabilis ang rollout.

Inanunsyo rin ni Mercado na tinatayang anim na libong residente na kasapi ng A4 category ang nakapagparehistro na sa COVID-19 vaccination.

Kaugnay nito ay ititigil muna ng municipal government ang paglilista ng iba pang residente.

Samantala, isasama pa rin ng LGU sa prayoridad ang mga senior citizen na nagbago ang isip at handa nang magpabakuna pero ang mga hindi sumipot sa naunang schedule ay magpapalista muli pagkatapos ng halos walong libong vaccine recipients.