Merito sa pag-aamyenda ng Konstitusyon, igigiit ng Palasyo sa mga senador hanggang makuha ang suporta ng mga ito sa ChaCha

Walang nakikitang solusyon ang Malacañang para umusad ang Charter Change sa Senado kundi ang patuloy na kumbinsihin ang mga senador at wala nang iba pa.

Ito ang tugon ni Presidential Spokeperson Harry Roque sa naging pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na naghihintay lang ng cremation ang ChaCha dahil sa kawalan ng suporta.

Sana lang ayon kay Roque ay tingnan ng mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ang merito para maayendahan ang Konstitusyon.

Positibo si Roque na sa sandaling maiprisinta na sa mga senador ang aniya’y “clearer picture” tungkol sa ChaCha ay mapagtatanto din ng mga ito na kailangan talaga ng Charter Change na magbibigay ng daan para sa pagpapalit ng porma ng pamahalaan tungo sa pederalismo.

Tiyaga-tiyaga lang ayon sa Palace spokesperson ang kailangan at sa bandang huli’y makukumbinsi din nila ang upper chamber tungkol sa ChaCha. | ulat ni Alvin Baltazar