MERALCO, may dagdag singil sa kuryente ngayong buwan

Inanunsyo ngayong araw ng Meralco, na muli itong magpapatupad ng dagdag singil na P0.08 per kilowatt hour.

Dagdag na P16 ito sa electricity bill, na papasanin ng isang consumer na gumagamit ng average 200 kilowatt per hour, habang aabot naman sa P40 para sa kumukonsumo ng 500 kilowatt per hour.

Paliwanag dito ng Meralco, bahagyang tumaas ang halaga ng kuryente sa wholesale electricity spot market (WESM), kaya naman nagkaroon din ng adjustment sa generation charge.

Pangunahing nakaapekto umano dito ang bahagyang pagnipis ng suplay sa Luzon grid.