Mensahe ni Gamboa sa mga pulis sa checkpoints, “hold on”

Umapela si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Francisco Gamboa sa mga pulis na nagmamando sa mga checkpoint, na konting tiis lang at mag-“hold on” pa sa kanilang mga field assignment.

Ang apela ay ginawa ni Gamboa, matapos inspeksyunin ang ilang quarantine control points (QCP) sa Metro Manila ngayong araw, kabilang ang Camachile NLEX QCP at Malanday QCP sa Valenzuela, at Sampaloc QCP.

Ayon kay Gamboa, nag-ikot siya para personal niyang makita ang sitwasyon ng mga pulis sa pagpapatupad ng mas-striktong ECQ.

Inamin ni Gamboa, na sadyang napakahirap ng naka-assign sa checkpoint, na bukod sa init ay na-eexpose din sa posibleng pagkahawa ng sakit ang mga pulis.

Sinabi ni Gamboa, na tao din naman ang mga pulis na nakakaranas ng pagod at gutom, pero trabaho aniya nila na manduhan ang mga checkpoint ng 24/7 kaya “just hold on” ang bilin ni Gamboa sa mga pulis.

Sinabi ni Gamboa, na may naka-standby na 2,000 pulis sa reserve force na handang humalili sa mga nagmamando sa checkpoint, para makapagpahinga din ng “shifting” ang mga nasa frontline.

Umapela din si Gamboa sa mga mamayan na sumunod nalang sa awtoridad para maiwasan ang anumang problema.