Mensahe ng PNP sa Araw ng mga Bayani: ‘Di mauubusan ng mga bayaning pulis kahit araw-araw may magsakripisyo 

Hindi mauubusan ng mga pulis na handang magpakabayani kahit araw-araw pang may mag-alay ng buhay sa hanay ng Philippine National Police (PNP).

Ito ang tiniyak ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Bernard Banac kasabay ng paghahayag ng pakikiisa sa buong sambayanan sa paggunita ng National Heroes Day ngayong araw.

Sa araw aniyang ito ay nagbibigay-pugay ang PNP at buong bansa sa lahat ng hindi kilalang mga lalaki at babae na nag-alay ng kanilang buhay para sa kalayaan ng bansa.

Sinabi ni Banac na ang “legacy” ng ating mga ninuno sa pakikipaglaban sa mga Español, Hapon, at Amerikano ay buhay na buhay sa hindi mabilang na mga makabagong bayani.

Aniya, ang “legacy” na “valor, service and sacrifice” ay isinapuso ng mga miyembro ng PNP sa bawat misyon kontra sa mga banta sa kapayapaan at demokrasya, kung saan handa nilang gawin ang ultimong sakripisyo.

Ayon kay Banac, ang misyon ng PNP na “To serve and protect” ay nagbibigay ng pagkakaton para sa mga bagong bayani na lumutang mula sa 195,000 magigiting na miyembro ng PNP.