Memo Order 32, hindi panimula ng Martial law sa mga lalawigan na mataas ang insidente ng lawless violence – Palasyo

Nilinaw ngayon ng MalacaƱang na hindi panimula ng martial law ang inisyung Memorandum Order 32 ng Palasyo, na nag-aatas sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), upang magdagdag ng puwersa sa apat na lalawigan kung saan may mataas na insidente ng lawless violence.

Ito ay ang Samar, Negros Occidental, Negros Oriental at Bicol.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mas mahigpit lang na pagpapatupad ng batas upang mapigilan ang karahasan o terorismo ang gagawin sa apat na nabanggit na lalawigan.

Paliwanag pa ni Panelo, problema sa insurgency, terorismo at iba pang gaya ng away sa pagitan ng mga magsasaka at landlords ang nag-udyok sa MalacaƱang para maglabas ng nabanggit na Memorandum Order.

Tipping point din ayon sa Presidential Spokesperson ang pangyayari sa Sagay, Negros Occidental para gawin ng Palasyo ang hakbang, na magdagdag ng puwersa ng pulis at militar habang patuloy silang nakakatanggap ng report na may kaugnayan sa karahasan sa apat na nabanggit na probinsiya. | ulat ni Alvin Baltazar