Memo 32, walang koneksiyon sa eleksyon 2019 – Malacañang

Walang koneksiyon sa susunod na taong eleksiyon ang inisyung Memorandum 32 ng Palasyo kamakailan.

Ito ay tungkol sa kautusan ng Malacañang kapwa sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), na magdagdag ng kani-kanilang puwersa sa apat na lalawigan sa bansa na kinabibilangan ng Samar, Negros Oriental, Negros Occidental at Bicol region.

Sa regular press briefing sa Palasyo, inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na malinaw naman ang isinasaad ng inilabas na memorandum order.

Ito ay ang mabigyan ng respeto ang bawat indibidwal at masigurong mabibigyan ng proteksiyon ang kanilang karapatang mabuhay nang mapayapa.

Binigyang diin ni Panelo na kung tutuusin, dapat ngang ikatuwa ni BAYAN Chair Neri Colmenares ang nasabing hakbang, na nangangahulugang ngayon pa lamang ay may ginagawa na ang pamahalaan, upang  matiyak na ligtas ang mga nabanggit na lugar laban sa anumang karahasan bago pa ang eleksyon 2019.

Dagdag pa ni Panelo, na ang nais lang ng Pangulong Rodrigo Duterte ay maging bukas ang ganitong mga hakbang ng gobyerno para sa kaligtasan at seguridad ng publiko. | ulat ni Alvin Baltazar