Mekanismo para masubaybayan ang mga Pilipino na nagpabakuna sa ibang bansa, inaaral na ng DFA

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa ibang mga bansa para makabuo ng mekansimo sa pagkuha ng datos ng mga Pilipinong nabakunahan sa ibayong dagat.

Ayon kay Department of Health (DOH) Disease Prevention and Control Bureau Director Nikka Hao, nakikipag-ugnayan na ang ating Department of Foreign Affairs (DFA) sa counterpart nito sa ibang mga bansa kung paano magkakaroon ng verification sa mga Pilipino na nakakuha ng COVID-19 vaccine sa ibang bansa.

Nababahala kasi sina PBA Party-list Representative Koko Nograles at AAMBIS-OWA Partylist Representative Sharon Garin na hindi masusubaybayan ng pamahalaan ang mga Pilipino na nakakuha ng first o kaya ay second dose ng bakuna sa ibang bansa.

Kasunod na rin ito ng pagkumpirma ni Hao na naghahanda ang pamahalaan para sa posibleng pagpapatupad ng isang vaccine passport.

Sa ngayon nagsisilbing central repository ng lahat ng impormasyon patungkol sa mga nabakunahang Pilipino ang Department of Information and Communications Technology (DICT).

Kada alas-sais aniya ng gabi ay isinusumite ng mga LGU ang datos ng kanilang vaccination program.

Maging ang mga impormasyon ng nabakunahan mula sa pribadong sektor ay kokolektahin din ng DICT.