Mega Manila Subway project, mapapakinabangan ng mga Pilipino bago matapos ang Duterte Administration – PCOO Sec. Andanar

Ngayong taon sisimulan ang Mega Manila Subway project na ang target ay bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay may  dalawa o hanggang tatlong istasyon ang magiging operational.

Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na kasamang dumalo sa Japan High-Level Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation meeting sa Prime Minister’s office sa Japan.

Ayon kay Andanar, mararamdaman ng publiko ang partial inter- operatibility ng nabanggit na proyekto na tiyak aniyang makakapagbigay ng kaluwagan sa daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA.

Dagdag pa ni Andanar na posibleng mapakinabangan ng mga commuter ang pabiyaheng West area ng Quezon City hanggang Monumento bago ang 2022.

Bukod sa Mega Manila Subway project, natalakay din ani Andanar sa nabanggit sa Japan High-Level Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation meeting ang iba pang proyekto ng Japan sa Pilipinas gaya ng mga itinatayo pang tulay sa iba’t ibang panig ng bansa gayundin ang spillway project sa Marikina.

Kabilang sa isinagawang pakikipagpulong sa mga opisyal ng Japan bukod kay Andanar ay sina Executive Sec. Salvador Medialdea, Finance Sec. Sonny Dominguez, Transporation Sec. Arthur Tugade, Public Works and Highways Sec. Mark Villar, Budget Sec. Benjamin Diokno at NEDA Sec. Ernie Pernia. | ulat ni Alvin Baltzar

Photo courtesy of Presidential Communications Operations Office