McDonald’s, magbibigay ng trabaho sa Senior Citizens at PWDs ng Maynila

Pinirmahan ngayon hapon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at mga pinuno ng McDonald’s ang isang Memorandum Of Agreement (MOA) na kung saan bibigyang prayoridad ng nasabing fast food chain ang pag-hire o pagtanggap ng mga kwalipikadong senior citizen at PWDs bilang mga manggagawa nito sa 40 fast food chains nito sa Manila.

Maaaring matanggap sa trabaho ang mga senior citizen at PWDs kung meron silang medical certificatioon, na nagsasabing fit to work o may kapasidad ang mga ito na magtrabaho.

Dalawang senior citizen at isang PWD ang ihahire sa bawat branch ng nasabing fast food chain.

Kailangan lamang magtrabaho ng mga senior citizen ng apat na oras, habang maaari namang magtrabaho ng hanggang walong oras kada araw ang mga PWD.

Ayon kay Mayor Isko, kailangan magkaroon ng pantay na oportunidad sa mga senior citizen at mga PWD lalo na sa paghahanap ng trabaho.

Kaugnay nito ay pinayuhan ni Mayor Isko ang mga senior citizen at mga PWD na pagbutihin ang trabaho ang huwag sayangin ang oportunidad na ibinigay ng fast food company.