Mayor Zamora: Aangat pa ang consumer confidence sa San Juan City, sa pagbubukas ng A4 vaccination

Naniniwala si San Juan City Mayor Francis Zamora, na magtutuloy-tuloy na ang recovery ng business sector sa lungsod sa pag arangkada ng A4 vaccination.

Ayon sa alkalde, malaki ang maitutulong ng pagbabakuna sa mga manggagawa upang mapahintulutan na rin ang tuluyang pagbubukas ng mga negosyo.

Magreresulta rin aniya ito sa pagtaas ng consumer confidence, lalo na sa San Juan na kilalang shopping district.

Ngayong Miyerkules, plano naman ni Mayor Zamora na mag inspeksyon sa ikalawang araw ng A4 vaccination sa lungsod.

May dalawang venue para sa A4 vaccination ang local government, una ang Filoil Flying V Center para sa mga manggagawang nakatira sa lungsod, habang itinalaga naman ang Greenhills Theater Mall para sa mga nagtatrabaho sa lungsod.

Target ng lokal na pamahalaan na makapagbakuna ng 3,000 mga manggagawa kada araw.