Mayor Toby Tiangco, di sang-ayon sa direktibang ilihim ang brand ng COVID vaccines

Hindi sang-ayon si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs), na ilihim ang brand ng COVID-19 vaccines na gagamitin sa mga tao.

Ayon kay Tiangco, magreresulta ang nasabing direktiba sa pagkawala ng tiwala ng tao sa vaccination program.

Hindi rin aniya maiiwasan na magkaroon ng information leak, sa kung ano ang gagamiting bakuna sa mga vaccination site, lalo pa at inihahanda ang mga ito bago ang vaccination procedure.

Karapatan rin aniya ng bawat indibidwal na malaman kung ano ang bakunang ituturok sa tao.

Dagdag pa ng alkalde, hindi naman aniya naging problema ang pila ng tao noong gumamit ang lungsod ng Pfizer vaccines, dahil may prescheduling sa pagpapabakuna ng Pfizer vaccines at hindi pinapayagan ang walk-in.

Kaya aniya, ang tamang pag manage ng vaccine roll out rin ang solusyon.

Kaugnay nito, ay plano ng alkalde na magsumite ng request for reconsideration sa oras na matanggap nito ang pormal na utos mula sa DILG.