Mayor Sara sa brgy. officials: Ayusin ang garbage collection points

Ipinag-utos ni Davao City Mayor Sara Duterte sa lahat ng mga punong barangay sa lungsod na ayusin ang garbage collection points sa kanilang lugar.

Inihayag ng alkalde sa kanyang State of the City Address kahapon, na nakatanggap ng reklamo ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO) dahil sa problema ng koleksyon sa mga basura sa bawat barangay.

Ayon kay Mayor Sara, kumuha na ang pamahalaang lungsod ng collection manager para matutukan ang problema sa pagkuha ng basura, pero mas mainam na tulungan ng mga barangay official ang CENRO para maibsan ang naturang problema.

Paliwanag ng alkalde, dapat ilagay ng mga barangay official ang kanilang standard collection points kung saan mas madali itong makuha ng mga taga CENRO.

Dagdag ng alkalde, kinakailangan din na maglagay ng mga imprastraktura kung saan ihiwalay dapat ang mga plastic na bote, sachets, wrappers, at plastic bags, sa mga nabubulok na mga basura.

Mas mainam din umano, kung may compost pit ang bawat barangay para mabawasan ang mga basura na itinatapon sa sanitary land fill.