Mayor Sara, ipinanukala ang timeline para tapusin ang ECQ sa buwan ng Abril 

Ipinanukala ni Davao City Mayor Sara Duterte sa mga doktor ang timeline sa Abril upang tapusin ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa Davao City sa isinagawang pagpupulong, Linggo, March 29.

Ayon kay Mayor Inday, nagbigay naman ng postibong tugon ang mga doktor ngunit magdedepende anila ito sa pakikiisa ng publiko.

Kaya muling binigyan-diin ng alkalde na ang patuloy na pagsalungat sa panuntunan ng gobyerno ay mas lalong tatagal ang quarantine at pagtitis ng lahat.

Aniya, mahalaga ang pagsunod ng lahat sa inilatag na COVID-19 guidelines dahil ito ang nakikitang mabisang paraan upang makontrol ang paglaganap ng virus.

Giit ni Mayor Sara sa mga doktor, hindi kakayanin ng siyudad na aabot pa sa lima hanggang anim na buwan ang ganitong sitwasyon , dahil batid niya ang hirap ng mga tao sa purok at barangay, at hindi rin makakakilos ng maayos ang gobyerno.