Mayor Sara, inindorso na maging 4 ang congressional district ng Davao

Posibleng mahati sa apat na distrito ang Davao City, na ngayon ay mayroong tatlong distrito, matapos itong iindorso ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ito ang inihayag ni Davao City Councilor Danilo Dayanghirang sa Kapihan sa Dabaw Press Conference, na ginaganap tuwing Lunes ng umaga, sa SM City Davao sa Ecoland, Davao City.

Aniya, ibinabase ng alkalde ang endorsement sa pag-aaral na inilunsad ng City Planning and Development Office (CPDO).

Sa kanilang pag-uusap sa alkalde, sinabi ni Dayanghirang na nais nitong mahati sa apat na distrito ang siyudad.

Ang bago at ikaapat na congressional district ay posibleng mangggaling sa mga area na sakop ng kasalukuyang una at ikalawang distrito.

Ayon kay Dayanghirang, kwalipikado naman ang siyudad na magkaroon ng karagdagang distrito base sa Section 5, Article VI ng 1987 Philippine Constitution.

Meron ding posibilidad na maging anim na lamang ang konsehal ng bawat distrito, kung magkakaroon na ng apat na distrito ang lungsod, mula sa kasalukuyang walong konsehal sa bawat distrito.

Nilinaw ng mambabatas, na wala namang karagdagang pondo na ibibigay ang city government, maliban lang sa budget na ilalaan sa congressional representative ng bagong distrito.

Ang isyu lamang dito, ay kung sino ang magbabayad sa operasyon ng mga bagong konsehal sa ikaapat na distrito.

Inaasahan ni Dayanghirang, na malulunsad ang plebesito bago ang 2022 elections.