Mayor Sara Duterte, magtutungo sa Jolo ngayong araw

DAVAO CITY — Nakatakdang lumipad ngayong araw si Presidential Daughter at Mayor Sara Duterte papuntang Jolo, Sulu, matapos ang pagpapasabog sa isang simbahan kahapon.

Sa panayam kay Duterte matapos ang opening ceremony ng Davao Regional Athletic Association 2018, sinabi nito na gusto niya ihatid ng personal sa mga tao ng Jolo ang pakikidalamhati at simpatiya ng mga Dabawenyo sa insidente, lalo sa pamilya ng mga namatay.

Ayon sa alkalde, nais niyang damayan ang naturang siyudad dahil alam niya ang pakiramdam ng naturang insidente dahil naranasan din ito ng mga Dabawenyo, gaya noong nangyaring pagbomba sa Roxas Night Market nitong Setyembre 2, 2016.

Nais din niyang paalalahan ang mga Joloanon, na di dapat sila matakot na bumangon sa naturang trahedya dahil mas lalong gaganahan ang mga terorista sa kanilang brutal na aktibidad kapag nagpakita sila ng takot.

Kinundena naman nito ang naturang karumaldumal na gawain, dahil nawawalan na di umano ng katuturan ang kanilang pinaglaban sapagkat mga inosenteng mga sibilyan ang nadadamay na wala namang mga kasalanan. | ulat ni Armando Fenequito-Radyo Pilipinas Davao